Sa totoo lang, wala akong maisip kung ano ba ang dapat kong ibahagi sa inyo. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Ni hindi ko rin alam kung ano nga ba ang dapat kong isulat lalo na’t tungkol pa ‘to sa tatay ko. Kanina ko pa iniisip.. mas mabuti bang sabihin ko na lang kung ano ang tunay na nararamdaman ko o magiimbento na lang ako ng kahit ano?
Sa totoo lang din, ayoko talaga ng drama. Ni ayaw ko ngang kinukwento ang madrama kong buhay. Iniisip ko pa lang na parang pangMMK ‘tong isusulat ko, parang masusuka na ko. Hindi talaga bagay sakin yung ganun pero dahil Father’s Day naman.. sige na nga. Baka sakaling mabasa pa ‘to ng tatay ko. Baka maalala naman niya kami kahit papano.
Sa mga kakilala ko, marami pa sigurong may hindi nakakaalam na galing ako sa isang broken family. 9 yrs old pa lang ako mula nung maghiwalay ang Mama at Papa ko. Lahat yata halos ng mga nakakaalam sa sinapit ng pamilya namin iniisip na makakaapekto daw sa ming magkakapatid yun. Baka hindi daw namin makayanan lalo na’t bata pa kami. Baka mahirapan daw kaming intindihin ang sitwasyon. Pero alam nyo, kahit bata pa ko nun.. alam ko na ang bawat detalye. Alam ko na kung bakit ganun ang nangyari sa min. Naiintindihan ko na lahat kahit na hindi pa yun ipaliwanag sa kin ng mga magulang ko. Aaminin ko naging malungkot din ako, minsan nainggit rin ako sa ibang bata kasi may tatay sila pero mas gugustuhin ko nang mawalan ng tatay kung sa huli pare-pareho lang naman kaming masasaktan lalo na ang mama ko. Hindi naging mahirap tanggapin para sa kin ang lahat. Alam kong mas magiging masaya ang mama at papa ko kung maghihiwalay na lang sila.
Walong taon na rin ang nagdaan pero pakiramdam ko 17 years na kong walang ama. Kahit minsan hindi ko naramdamang nandyan siya. Siguro dahil bata pa lang ako madalas ko na silang hindi nakakasama ng mama ko. Mula nung 2 yrs old ako, lola ko na ang nag-alaga sa kin hanggang sa magkaron pa ko ng kapatid. Kahit na malayo sila pinilit ko pa ring intindihin ang sitwasyon. Alam ko para rin samin yun. Tuwing umuuwi nga sila sobrang saya ko pero nandun pa rin ang pangamba dahil alam ko hindi naman sila pwedeng magtagal, kailangan pa rin nila kaming iwan.
Sa pagsasama ng mga magulang ko, ni minsan hindi ko sila nakitang mag-away. Hindi sila yung tipong halos magpatayan na kapag may problema sa bahay. Hindi nila pinapakita samin na meron na palang nangyayaring ‘di maganda. Pero kahit ganun, nararamdaman ko pa rin na hindi ok ang lahat. Marami akong naririnig. Marami rin akong napupuna lalo na sa tatay ko. Minsan pakiramdam ko mas importante pa sa papa ko yung mga kabarkada nya kaysa makasama kami. Madalas kapag wala siyang trabaho, andun siya lagi sa labas nakatambay at nakikipag-inuman. Mas gugustuhin ko pa ngang ‘wag na lang siya umuwi ng bahay kaysa naman maamoy ko pa yung mabaho nyang hininga dahil sa alak. Nakakabwisit talaga. Minsan nga sa sobrang kalasingan muntik na siyang malunod sa ilog. Naisip ko tuloy, mas mabuti pa sigurong kinuha na lang siya ni Lord para hindi kami nahihirapang espelehin siya at hindi na nagpapakaengot ang nanay ko. At least kung kasama niya si Lord baka sakaling matauhan siya, yun nga lang huli na ang lahat. Hindi ko nga alam kung pano yun natitiis ng mama ko. Kulang na nga lang batukan ko siya ng sampung beses para lang matauhan. Kahit nga yata magdasal ako nun sa lahat ng santo, wala pa ring pag-asa. Tingin ko wala pa ring magbabago sa tatay ko. Mula nang makilala ko yung tunay na kulay nya, parang unti-unti na kong nawalan ng respeto. Nagalit ako sa kanya at hanggang ngayon inaamin ko, meron pa ring akong natitirang sama ng loob sa kanya. Naalala ko pa dati, madalas ko siyang sinasagot kahit alam kong hindi yun tama pero hindi ko talaga maatim lahat ng ginagawa niya. Sa sobrang galit ko sa kanya minsan nabato ko na siya ng tsinelas at dahil dun sinampal nya ko. Hindi ako nasaktan. Alam kong nasa tamang lugar ako. Mas gusto ko pa ngang saktan na lang nya ko physically kesa saktan nya ang mama ko emotionally. May time na nabalita pang may babae siya. Nagalit ang mama ko nun pero syempre dahil sa paawa effect ng tatay ko at kesyo ‘di niya daw gagawin yun, mahal daw nya ang mama ko ayun nagpakaeng-eng na naman ang martyr kong ina. Nawalan pa nga siya ng trabaho at dahil dun kinailangan pang umalis ng mama ko para lang mag-abroad. Syempre dahil dun buhay binata na naman ang napakabait kong ama. Naawa ako sa mama ko pero wala akong magawa. Lahat halos ng perang pinapadala ng mama ko sa kanya napupunta lang sa alak, sugal at sa mga luho nya. Kung pwede ko nga lang ipabugbog nun ang tatay ko ginawa ko na. Umabot pa sa pagkakataong maski sa graduation ayaw ko siyang makasama sa entablado. Nag-away pa kami nun. Ayokong siya ang magsabit sakin ng medalya at lalong ayaw ko siyang makasama habang binibigay sakin ang diploma ko.
Hindi pa dyan nagtatapos. Hinding hindi ko makalimutan yung pangyayaring nagtulak sakin para kalimutan kong nagkaron ako ng amang tulad nya. Yun yung pagkakataong talagang kahit na pumatay ako ng tao kahit na ama ko pa, hinding hindi ko pagsisisihan. Birthday nya nun, inimbita nya lahat ng kamag-anak nya dito samin ng walang pasabi. Wala man lang siyang hinanda at bukod pa dun, alas-sais ng umaga nandun siya sa tindahan umiinom at nakikipaghuntahan sa mga kabarkada nya. Nagalit si lola sa kanya. Anu nga naman ang ipapakain namin dun sa mahigit na dalawang dosenang kamag-anak nya at balak pa yatang matulog sa min. Ok lang
Mula nang maghiwalay sila ng mama ko, wala na kaming balita kung sang lupalop nakatira si papa. Ang alam lang namin meron na siyang pamilya. Ang nakakalungkot dun, kung anung sinapit ng pamilya namin ganun din ang sinapit ng mga pangalawang pamilya nya. Mas naging malala pa nga. Sumulat sa amin ang nanay ng papa ko, ikinwento niya lahat. Naawa ako lalo na dun sa mga anak niya. Ipinangalan pa nga sakin yung isa. Wala silang pambili ng gatas. Walang maayos na buhay, hindi tulad namin. Walang ina. Wala ring ama. Ayaw kong pagdusahan nila lahat ng kasalanan ng tatay ko sa min. 18 yrs old lang ang napangasawa ng papa ko, adik pa. Hindi na nga rin ako magtataka kung ganun na din ang papa ko. Hindi ko alam kung bakit ba patuloy lang niya sinisira ang buhay niya. Masaya kaya siya? Naalala ko nung high school pa ako, nagawa pa niyang bantaan si lola na papatayin kaming lahat. Hindi ako natakot nun, naawa ako sa kalagayan ng papa ko. Hanggang ngayon pinagdarasal ko na lang na
Siguro sobra na lahat ng mga nasabi ko. Parang hindi nga yata angkop ang mga inilagay ko sa dapat na isulat ko. Puro galit. Puro poot. Puro sama ng loob. Hanggang ngayon, tinatanong ko pa rin ang sarili ko.. napatawad ko na nga ba siya? Galit pa rin ba ko sa kanya? Tanggap ko na nga ba siya bilang ama?
Ewan ko. Hindi ko alam. Hindi pa rin ako sigurado. Pero tanggap na tanggap ko na lahat ng nangyari.
Minsan tumawag uli siya samin. Binati niya ko nung birthday ko. Nagulat pa nga ako nung tumawag siya samin. Hindi ko pa nga nakilala ang boses niya. Kinamusta nya kami, kinamusta ko rin siya. Pero hanggang dun lang. Nangako pa siyang papadalhan niya daw ako ng regalo pero hindi na ako umasa at tama naman ako. Sulat o regalo, wala akong natanggap. Mula din nun hindi na siya tumawag.
Siguro ngayon, kahit papano.. naghilom na rin lahat ng sugat. Kahit na wala akong tatay, pakiramdam ko kumpleto pa rin kami. At kahit di ako pinalad na magkaron ng mabuti at responsableng ama, nagpapasalamat pa rin ako sa Dyos kasi kahit ganun siya, marami akong natutunan sa kanya. Sa lahat ng sakit na pinagdaanan namin, natuto akong tumayo sa sarili kong paa. Mas naging matatag ako. At alam ko dahil sa mga naranasan kong yon mas makakayanan ko pang harapin lahat ng problemang ibibigay sakin. Dahil sa papa ko mas namulat ako sa buhay. Mas madali kong naintindihan lahat ng mga bagay-bagay. Kahit sa ganung paraan siya naging parte ng buhay ko, nagpapasalamat pa rin ako kasi kung hindi dahil sa kanya hindi ko marerealize kung gano kahirap mabuhay sa tunay na mundo. ‘Di rin ako matututong mas pahalagahan lahat ng taong nasa tabi ko. At higit sa lahat, dahil sa mga nangyari, mas napalapit pa ko dun sa “taas”. Siguro nga may rason kung ba’t nangyari ang lahat at masaya na rin kami ngayon.
Ayoko talagang magdrama pero mukhang mahaba yata ang naisulat ko.
Pa, pasensiya ka na kung masyado kitang tinira pero kung sakali mang mabasa mo ‘to
I’M SORRY.
0 comments:
Post a Comment