Ang CURSOR ang aking Dakilang Basurahan

Nakakita na ako ng maraming diyaryo at magazines—makulay, malaman, mapanuri, mapagpanggap, mapang-usig at malaya. Meron ding pang-mayaman, pang-mahirap, pang-tsismosa at pang-walang magawa. Napakadami. Sari-sari, iba-iba. Katulad ng tao na may kani-kaniyang layunin sa buhay ang bawat babasahin-- may kanya-kanyang tema, may bagay na gustong marating at makamit sa pagitan ng bawat pahina.

Isang taon na akong nagsusulat sa CURSOR, napakaikli kung tutuusin para masabi kong nakamit ko na ang layuning maipabasa lahat ng gusto kong sabihin at ipahayag, kung sabagay iyon siguro ang dahilan kung bakit patuloy parin ako sa pagsusulat, katulad ng katotohanang ang tao ay patuloy na nabubuhay para isakatuparan ang natatanging layunin, alam man niya ang “layuning” ito sa ngayon o hindi.

Habang naglalakad ako patungo sa susunod kong klase sa CICT building, nakita ko ang maraming basurahan, iba’t-iba ang kulay, iba’t-iba ang laman. Pero hindi iyon ang unang kumuha ng atensyon ko, kundi iyong mga BASURA na wala sa basurahan, wala sa tamang lalagyan, nakakalat, agaw-atensyon, at may hatid na dalawang pakiramdam: ang pagkawala ng pakikialam o pagtubo ng disiplina sa sarili.

Naisip ko na ganito rin ang buhay sa isang pahayagan. May pahayagang may sari-sariling istilo at natatanging laman. Katulad ng mga letrang mababasa sa labas ng mga basurahan, may mga ideyang nabubulok at hindi nabubulok.

Ang CURSOR ang aking dakilang basurahan. Ito ang sumasalo sa lahat ng ideya, sama ng loob, mahahalagang impormasyon at nagpakita sa akin ng katotohanang kahit pala mabaho, marumi at nakakadiri ang isang bagay sa paningin ng iba at dapat nalang DAW itong itago sa sarili mo-- ay dapat mo parin itong itapon sa basurahang angkop para sa kanyang ikalalagyan para malinis ang lugar na kinabibilangan mo. Bakit nga ba maraming natatakot o hindi pabor sa paglantad ng basura sa kani-kanilang sarili? Lahat tayo may itinatagong kabulukan, nasasaiyo na iyon kung magpapasya kang itapon ito o hindi…

Bakit nga ba ako pumasok sa CURSOR? Eh kung tutuusin, ayos lang naman ang maging isang simpleng estudyante lang—aral, tulog, gawa ng project, uuwi ng bahay, minsan(madalas) may lakwatsa, friendster sandali, mag-a-unli para makipagtext at magtsismisan, ganun lang kasimple! Bakit ko ba kailangang makialam sa basura ng iba at ipaalam sa iba ang mga basura ko?

Maniwala ka! Nakakasawa na ang magsulat sa formal theme dahil hindi naman talaga binabasa ito ng teacher ko nung high school, tinitingnan niya lang kung maganda ba ang sulat ko at mahaba ang isinulat ko tungkol sa topic. Nakakasawa narin magsulat sa diary, eh ano naman ang mapapala kong sagot sa isang simpleng notebook? Ako lang din naman ang makakabasa noon paulit-ulit pa. Naisip ko nga, noon ang diary ng mga hari at reyna eh ginagawang gabay o record ng history para sa mga susunod na mamumuno, pero ngayon sulatan na ito ng mga nobela ng kasawian sa pag-ibig, may mga patagong FLAMES HOPE pa! Nakakasawa na rin mag-vandal sa loob ng mga bagong pinturang C.R. bakit? --Kasi iyon ay mga basurang itinatapon sa maling lugar. Katulad ng katotohanang maling magsulat ng “inaantok ako” o “tagal naman matapos,nakakatamad” sa ibabaw, ilalim o gilid ng upuan mo sa tuwing tatamarin kang makinig sa teacher at pumasok sa klase.

Iyon ay ilan sa mga dahilan ko kung bakit ako naghanap ng tamang basurahan. Pinili kong ipaalam sa iba ang mga bagay na itinatago ko/nila/natin para sa ikagaganda ng mundong ginagalawan nating pare-pareho…Katulad ng dahilang, ang basurahan ay nilikha para mawala ang kalat at basurang wala sa lugar, ganun pa man ibabalik parin niya ito bilang isang kapakipakinabang na bagay—iyon ay kung mamumulat tayo sa katotohananang, hindi lahat ng basura ay walang silbi. Itinapon ito ng iba para makinabang naman ang iba at ipakita ang aral na ang lahat ng bagay ay may kanya-kanyang lalagyan. Alam ko, kahit saan naman may basura at may mga putik din…Dalawa lang iyan: Hahayaan mo bang itago nalang ang mga basura? Hahayaan mo bang malagyan ka ng putik o lilinisin mo na ito bago matuyo. Ang nangyayari kasi, hinahayaan matuyo kaya mas mahirap tanggalin. Nakadikit na, parang tuko.

Lahat kami sa CURSOR, itinatapon namin ang mga letra, dibuho, larawan, at disenyo sa isang sulatan, hindi dahil sa walang silbi ang mga ito, kundi dahil naniniwala kami na ito ang dakilang basurahang nilikha para sa mga simpleng tao NOON na nangangarap NGAYON na mapansin, pakinggan, at iayos ang mundo natin sa kasalukuyan at hinaharap. Masyado bang malaki ang pangarap na iyon? Para sa akin,--HINDI. Marami na ang nagtagumpay dahil sa basura, dahil tiningnan nila ito hindi bilang isang bagay na walang silbi, kundi mga bagay na magsisilbing daan para sa pagbabago ng kanilang simpleng buhay. Marahil kung tatanggapin natin ang katotohanang may mga basurang naghahanap ng tamang lalagyan upang magbigay aral o kung hindi man ay magmulat sa mga taong nasa paligid natin—noon mo pa lang maiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng CURSOR at kung kailangan mo ba talaga magbayad para sa isang dakilang basurahan na ito...

Ikaw? Naghahanap ka rin ba ng basurahan? Nasasawa ka narin bang makakita ng basurang wala sa lugar? Bakit hindi mo subukin na magtapon sa ating dakilang basurahan? Malay mo, baka ikaw na ang hinihintay naming magbibigay ng basurang tutulong para magbigay-aral at magmulat sa simpleng buhay ng iba.

Hihintayin ka namin…

0 comments: