Basurahan?
Oo. Basurahan. Katatapos ko pa lang basahin ang isang akdang tungkol sa pamamasura: sa mga basura at sa basurahang dapat nitong kalagyan. Marahil ay isa lang ito sa mga katotohanang ang mga basurang nagkalat sa paligid ay sa mga kadahilanang walang interes ang mga tao sa kung saan ito nararapat na itapon. Mga berdugong walang pakialam sa pag-dumi ng kanilang paligid at mga kaluluwang nagkalat lang sa labas ng basurahang ito; tulog, ayaw makialam sa totoong mundong kinabibilangan nya at nag-tatamad-tamaran sa pakikiisa para sa pagbabagong ninanais ng nakararami tulad din ng literal na pagtatamad-tamaran o pagbubulag-bulagan ng ilang nakakita na sa mga nagkalat na balat ng kendi, bote ng C2, plastic cup ng gulaman na mayroon pang straw at balat ng bread pan na nakakalat sa gilid ng hallway [kung hindi pa singhalan ng teacher ay hindi pa pupuliti’t ilalagay sa drum ng basurahan.]
Bilang isa sa mga miyembro ng CURSOR sa loob ng isang taon, nadismaya ako sa hawak kong walong application forms na nafill-up-an na. Walastik. Oo! Sa loob ng dalawang-libo, apat na raan at dalawampu’t limang estudyante ng pangalawa sa pinaka-malaking populasyon sa Unibersidad ng Kolehiyong ito, ay labing-siyam lang ang estudyanteng bumubuo sa isang dyaryong ito at walong estudyante lang din ang nagkaron ng interes na maging kaisa nito sa pagsagawa ng kanilang hangarin tungkol sa pagbabago. Napaisip ako sandali kung nag-kulang ba ang strategy namin sa publicity na kami ay naghahanap na ng mga bagong members o hindi naman yata lahat ng estudyante ay katulad kong 2.25 ang grado ng salamin para hindi mapansin ang mga nakadikit sa pader ng CICT building? Hindi din ba sapat ang text brigade namin sa lahat ng class president para hindi ito maiabot sa ibang estudyanteng nasa north at south pole pa yata ng mundo?
Nasagot ng aking tanong ang nakatambad sa aking harapan ngayon habang ang sinag ng araw ay lumalapit na sa gilid ng mesang piping saksi sa utak kong pilit sumisigaw at tila nagpapapansin sa lupon ng mga kabataang tumatambay lamang sa hallway at nag-aabang para sa susunod nilang klase. Naitanong ko rin sa aking sarili kung bakit ang karamihan ng mga estudyante ay matatagpuan mo lamang sa tabi-tabi para makipag-inuman at mag-DOTA sa computer shop? Mga utak na nag-kalat sa puting gusaling ito at nag-hihintay lamang ng kung ano ang merong bago sa kanilang paligid bilang estudyante kinabukasan. Sa aking harapan ngayon, ang nagsikalat at watak-watak na utak ng mga estudyanteng nagnanais din na maipahayag na masaya sila sa bago nilang building at sa pagkakaroon ng aircon sa kanilang mga silid-aralan, sa pagkakaroon ng mga bago at wireless na kompyuter na nagagamit na ng iilan at iilan ding utak na naghihinaing sa ilang bagay na nakikita nilang mali. Ngunit bakit hindi na lamang ito itapon sa tamang lugar upang mag-bigay aral sa iba pang estudyanteng makakabasa nito? Totoong kawalan ng interes sa ilang mga bagay-bagay na pwedeng makapagpalinis ng iyong paligid ang tila nawawala na ngayon sa iilan sa ating mga estudyante.
Sa Economics, nagkakaron ng scarcity kapag malaki ang demand at kulang ang supply. Kapag maraming nangangailangan at kulang ang nagtutustos o ang pinagkukunan, nagkakaroon ng kakulangan. Parang ganito din ang pangangailangan ng isang dyaro para makapag-supply ng kumpletong impormasyon sa mga mambabasa.
Nangangahulugan lamang ito na kailangan ng CURSOR ang mga estudyanteng kagaya mo.
May papalapit… “baka mag-apply ang dalawang ito” [bulong ng manunulat sa kanyang sarili.]
Lumapit ang dalawa kong dating kaklase noong isang taon, tumambay sandali habang hinihintay ang kanilang bagong prof. at nakipagtsismisan sa kung ano ang meron sa loob ng pinto sa gilid ng mesa. Lingid sa kaalaman nila, nakalipat na kami ng bagong opisina sa gilid ng isang classroom na tanging magkakadikit na computer stands lang ang main division. [Partida, tatalong student org. pa ang namamahay dito] pero masaya kami dahil nalagyan na ito ngayon ng aircon unit na parang pampalubag loob lang. Sumibat din sila matapos ng isang walang kakwenta-kwentang tsismisan. Naiwan na naman akong nag-iisa ngunit sa pagkakataong ito, tumambad muli sa aking mukha ang tanong na ito: Pagsumali ako diyan, ano ba ang benefits na makukuha ko sa CURSOR? Marahil ay hindi lamang sampung ulit ko na itong narinig sa iilang taong nakakilala ko sa loob ng kolehiyo, ng ilang utak na nakitaan ko rin ng potensyal sa pagsusulat na sinubukan kong hikayatin ngunit sadyang hindi malakas ang convincing power ko.
Ngunit dahil diyan, ay maaari kitang kwentuhan na kakakwento ko pa lamang sa kakasibat ko lang na dalawang kaklase.
[at dahil lang ito sa wala ng maisip ang writer] May isang bata. Oo, isang bata. Bata pa lamang siya, mahilig na talaga siyang mag-sulat. Ang unang tulang isinulat niya ay tungkol sa maligayang pasko ng kanyang aso na ang pangalan ay princess. Naging tapunan ng kanyang mga ideya ang kanyang pangit na notebook na bukod sa kinulayan ng itim na ballpen ang ngipin ng nakapose na si Jolina Magdangal eh nilagyan pa ng bigoteng gawa naman ng kanyang childhood best friend. Pinangarap rin niyang makasali sa pahayagan nila noong elementarya, lalo naman noong nag-kaisip na siya noong high school ngunit dahil mas naniwala syang mas marami ang mas magagaling [at totoo naman ito], mas ginusto niyang magsulat ng kung anu-ano at itago na lang ito sa likod ng mga pahina ni Jolina Magdangal. Lumaki siyang kime, maramdamin at palaging nasa isang sulok lang… nagsusulat para sa kanyang sarili, tahimik at hindi na ginustong makialam pa sa mundong gusto rin niyang ma-explore. Nang pumasok na siya ng kolehiyo [sa wakas!] tila aksidenteng napasok siya sa isang dyaryo [sa wakas!] dahil niyaya lang naman siya [pinilit pa nga] na magsign-up ng application form at mag-pass ng tatlong articles at nagising na lang siya ng isang umaga na nagsusulat na siya para dito hindi na para sa kanyang notebook na tila naaagnas na sa loob ng ilang taong gamit. Nagsimulang lumawak ang kanyang mundo, nagbago ang ilan sa kanyang mga pananaw sa buhay, nakahanap siya rito ng ilang mabubuting kaibigan at nakakilala ng mga utak na nag-kakaisa, hindi watak-watak na nagturo sa kaniya ng totoong layunin niya sa pagpasok sa mundo ng pagdidiyaryo at nagturo sa kanya ng totoong pakikipagsapalaran sa buhay dito sa loob ng Unibersidad. [kung anu man yun, pakitanong na lang sa batang ito.]
Sa CURSOR, hindi ka magkakaroon ng limpak-limpak na salapi o mananalo katulad ng sa go-binggo na sobrang instant dahil dito, lahat ay paghihirapan mo, hindi ka rin bibigyan ng ticket ng adviser na trip for two sa America, hindi ka rin bebeybihin ng editor mo kapag nagkamali ka, at lalong walang sweldo sa trabahong ito… hindi pera, hindi kung anong material na bagay ang maibibigay o maipapangako ng CURSOR sayo.
Nang masali ako dito, naisip ko rin kung anong mapapala ko sa pagsusulat para sa mga estudyanteng wala namang pakialam sa akin ngunit ng nagtagal ako, saka ko lamang unti-unting nasagot ang aking sariling tanong. Higit pa sa kasabikan ng sarili mong damdamin na magpahayag ng ideya, saloobin o hangarin ng kaibigan mo o ng kakilala mo ang pwede mangyari dito, sa CURSOR, ikaw ang medium ng 2,425 na estudyante sa isang tema o issue. Kung merong tig-isang org na nagrerepresenta sa dalawang kurso ng kolehiyo, sa CURSOR, halos yung kabuuan ng estudyante sa kolehiyo kailangan mong ipagbuklod. Sa CURSOR, nalaman ko na hindi lamang nito patatabain ang sarili mong talento o palalawakin ang kaalaman mo tungkol sa talentong ito, bibigyan ka nito ng dahilan at daan upang maabot ang iba sa pamamagitan ng iyong talento. Hindi lamang nito itutuwid ang baluktot mong personalidad kung pano humarap sa mundo ng mga tao kundi pagtitibayin nito ang sikmura mo na harapin ang nakakadiring basura ng iba at magkaroon ng lakas ng loob na maitapon rin ang sarili mong basura kahit nabubulok pa ito. Hindi lang nito patataasin ang ika nga eh hackles [tignan mo na lang sa dictionary] sa likod mo kapag nalaman mong naapektuhan ang iilang nakabasa sa iyong sinulat o tinakot ka ng iba mong kakilala na meron kang nasagasaang higante ngunit patatabain ng CURSOR ang puso mo sa pagkatutong mayroon kang nagawa para sa Kolehiyo kahit sa mumunting sulatin lang na tulad nito at masabi mo sa iyong sarili na “Mahal ko ang Kolehiyo ko”.