Matapos ang isang-libo at isang laksang pagkakaroon ng halusinasyon, paghuli ng mailap at malikhaing imahinasyon at paglaklak ng isang timbang kape ---sa wakas! Natapos ko rin ang isang istoryang nakapanghihilakbot ang kakiligan…
OJT, final defense, thesis, narrative report, user’s manual… Final defense, user’s manual, OJT, narrative report, thesis… Thesis, final defense, OJT, user’s manual, narrative report… Paulit-ulit, parang isang teacher na isang buwang hindi nakapagbasa ng lesson ang makulit na utak ng babaeng nakaupo sa malungkot na hagdan ng bagong gusali sa kanilang unibersidad [na hindi niya masyadong na-enjoy dahil malapit na niyang lisanin ito]…
Maya-maya pa, dala ang isang bungkos ng mga papel na puno ng mga pulang marka [na dapat isisi sa pagkakalikha ng pulang ballpen], pinilit niyang tahakin ang puting hagdan na siyang nagkukubli sa mga anay na pilit umaakyat sa puting pintura.
Bagsak ang kanyang balikat, subalit hindi niya alam kung dahil ba ito sa mabigat na docu o dahil sa mabigat na puso… ah, mabigat na puso… --biglang sumirit ang mainit na likido sa kanyang mga mata.. Mahapdi, masakit, at mapait ang bugso ng damdaming dumudurog sa kanyang pagkatao. At habang unti-unting pinapalabo ng mga luha ang kanyang paningin, ay patuloy naman ang pag-rewind ng mga masasayang alaala nila ng ex niyang si Dodong sa kanyang photographic memory. Oo, si Dodong [excuse me, hindi siya ang ex ni Inday, kapangalan lang]. Ang mas matindi pa roon at hindi kinaya ng powers niya eh sumabay pa rito ang kanta ni Renz Verano [OST: LARAWANG KUPAS]...
Hindi na niya kaya ang nararamdamang siphayo at sakit, kaya tumakbo siya, tumakbo at tumakbo pa, sa pag-aakalang makakaya niyang takasan ang pait na dulot nang nakaraang kabiguan sa pag-ibig. Subalit ang hindi niya natakasan ay ang isang malaking basurahan na kasama niyang nabuwal sa baitang ng hagdan. At ang huling nalabi sa kanyang ulirat ay may isang lalaking nakatayo sa harapan niya.
Nagtama ang kanilang paningin. MATAGAL [mga 10 seconds]. Yumukod ang lalaki at inilapit pa nito ang mukha upang masipat nang mabuti ang kaanyuan ng dalagang gumulong kasama ng mga basura. Unti-unting idinilat ng dalaga ang maliit na mata at bumulaga sa kanya ang isa pang pares ng mga matang parang natutulog lang. Malapit ang mga mukha nila sa isa’t-isa [mga 9 ½ inches, to be exact]. Sobra-sobrang distansya upang magkakilanlan.
“Aning?” bakas ang pagkabigla sa tinig ng simpatikong binata.
“Chupiping?” mas bakas ang pagkabigla sa Asian look na dalaga.
“Teka, bakit ganyan ang itsura mo? Umiyak ka ‘no?”
“Hindi ah! Wag ka na ngang makialam! Tulungan mo akong tumayo dito!”
“Ay, oo nga pala! pasensiya na.” Inilahad ni Chupiping ang kanyang kamay at inabot naman iyon ng dalaga.
“Sigurado ka bang ok ka lang? Sino ba ang nagpaiyak sa ’yo ha? Aawayin ko.” Isang tipid na ngiti lamang ang isinagot ni Aning.
Lingid sa kaalaman ng dalaga, lihim siyang itinatangi ng binata kaya’t napakasakit para sa kanyang makitang may namuong muta dahil sa natuyong luha sa mga mata ng kanyang sinisinta . Oo, siguro nga, ang lahat ay nagsimula sa biro… Pero wala na sigurong kokontra na marami na ang nagkatuluyan ng dahil lamang sa isang biro. [Hmmm, aminin!]
Magkasama sila sa isang school organization. At sa sobrang bonding eh mukhang naging covalent bond na ang nangyari sa dalawa. Nagsimula ang lahat isang hapon ng Biyernes… habang ang lahat ay busy-busy-han, silang dalawa ay nakaupo sa isang sulok ng office [kung ano ang pinag-usapan nila, pakitanong na lang sa mga langgam na nag-doble ang populasyon dahil sa kanilang katamisan (89 million/sq. m. – Source: NSO)].
Subalit ganun daw talaga ang pag-ibig, parang adik na nagti-trip… Kung kelan hindi pa handa si Aning sa bagong “Dodong” na darating sa buhay niya ay siya naman ding pag-aalinlangan ni Chupiping dahil mayroon na siyang pinamamangkaang isang ilog, bagama’t hindi pa siya nakasakay sa totoong bangka [uminom na ng muriatic acid ang hindi naka-gets!]…
Eh ano naman, ‘di ba? Sige nga, kung tatanungin ko kayong mga lalaki, kapag nanligaw ba kayo eh laging isa lang?! [bukod sa hahaba ng 10 meters ang ilong eh babagsak din sa Statistics and Probability ang sasagot ng “OO naman!”] Sabi nga eh, “collect and collect… then select!” [WARNING: Sasaksakin ni Joe D’ Mango ang susunod sa kalokohang iyan.]
Kapag naman sinabi ng babae na: “Ayoko, di pa ko ready…/Bawal sa ‘min eh, strict ang parents ko…/May shot gun si daddy sa bahay!/Leader ng sindikato ang kuya ko!” Tandaan niyo ito: [Babagsak sa Logic ang maniniwala!] Ito lang ‘yan eh, sa programming, kapag nag-set ka ng condition at maganda ang pagkaka-design ng flow, bibigyan ka lang niyan ng trapping message kapag mali ang ininput mo. Pero lagi mong pansinin ito: “Invalid Input! TRY AGAIN…” Para namang hindi na kayo nasanay sa mga babae! Syempre, gusto nilang tingnan kung hanggang saan nga ba ang kaya mo… [Ooops! tama na ang love tips. May bayad na ‘yan!]
Dahil sinunod ni Chupiping ang mga payo ko, isang hapon…
“Aning, sandali!” hinabol niya ang papalabas na dalaga.
“Ha? Bakit?”
“Ahm, pwede ba kitang makasama kumain? Sige na, sandali lang naman eh.”
“Ah, ok!” [kung bakit ganun ang sagot ni Aning ay hindi malaman kung dahil ba yun sa Argentina na inalmusal niya kanina o dahil wala lang maisip na magandang dialogue ang writer.]
Ipinasya ni Chupiping na sa “Binalot” sila kumain… Masarap daw kasi ang pagkain doon, maganda pa ang ambiance. Filipino Style... [uyyy! Plugging…]
Sa pagitan ng mesang may mainit na kanin at mainit na tapa [na may side dish na itlog na maalat at kamatis] ay nabuo ang kanilang FIRST DATE…
Hindi akalain ni Chupiping na iyon ang magiging magandang simula ng lahat. Nalaman niyang pareho pa pala silang nag-rondalya noon sa dati nilang paaralan at pareho silang miyembro ng Music Family. Isang napakasayang hapon iyon para sa dalawa, nagkwentuhan sila na para bang sila lang ang nilalang sa mundo… nag-usap sila na para bang sila lang ang nagkaka-intindihan sa pamamagitan ng inimbento nilang lenggwahe, at tiningnan nila ang isa’t- isa na para bang ang mga mata nila ay nag-exist para makita ang isa’t-isa… [Dapat ba talagang may ganun kapag love story ang sinusulat?!]
Habang pauwi sila galing sa “Binalot” ay bumuhos ang napakalakas na ulan… Wala man lang itong pasabi, parang isang teacher na bigla na lang nag-a-announce ng long test kapag napag-trip-an. [Malakas talaga ang ulan! Dahil kung nagkataong na nasa unibersidad pa sila nuon ay tiyak na cut na ang klase at hindi ka na pwedeng dumaan sa Gate 2 kung nakasapatos ka dahil tiyak na papasukin ng balyena ang loob ng sapatos mo!]
Dahil sa pareho silang hindi boy scout at wala silang dalang payong ay sinagupa nila ang baha at malalaking patak ng ulan. Maya-maya pa ay hindi nila namalayan na magkahawak-kamay na pala sila habang tumatakbo sa ilalim ng malamig na mga butil ng ulan. [VIDEO EFFECTS: slow motion with Eraserheads’ “Tuwing Umuulan at Kapiling ka” playing as background music].
Tsk tsk tsk… Tingnan mo nga naman, napakarami palang sweet moments ang pwedeng mangyari kahit pa kung minsan ay panira ng porma ang ulan/ginagawa itong panakip-butas ng mga umiiyak/nagiging sanhi ng baha at hindi pagkatuyo ng mga sinampay na damit… Marami pa akong alam na “kilig moments” subalit kung ano man iyong tinutukoy kong love story na nagsilbing piping saksi ang malakas na buhos ng ulan eh secret ko na iyon. [pero kapag pinilit mo ‘ko, sasabihin ko rin… haha!]. Ang ending ng gabing iyon ay pareho silang umuwi ng basa…
Matapos ang paggawa ng mala-Music Video Scenes ng dalawa under the rain ay pareho naman silang nakauwi ng matiwasay. Matutulog na sana si Aning at Chupiping ng maisipan nilang i-text ang isa’t-isa:
Aning: tnx! Had a gr8 tym…
Chupiping: Na-enjoy q ang ulan. . Switdreams. .
SUBALIT bago nila mai-send ito ay isang text message ang na-receive nilang pareho... “Natigil na ang iyong unlimited… Di ka na pwedeng mag-GM mamaya. Sa susunod kasi, ‘wag nang magpakipot at i-text lang ang dapat i-text.” [Nagka-problema yata ang system ng network dahil naiba ang text message na nai-send nito…]
Hindi nila alam kung talaga nga bang nananadya ang tadhana o talagang katulad ng 2870, maraming nilalang din ang ayaw ng mga taong masaya kahit walawents ang pinag-uusapan. Ayon sa Autoloadmax, nagpasya silang mag-load ulit para mai-send ang message na iyon para sa isa’t-isa…
Lumipas pa ang mga oras, araw, linggo at buwan. [Isipin mo nalang na nanunuod ka ng Pinoy TV Series na kapag bata pa ang bida, pagkatapos ng isang-daang palatastas eh naka-gown na ito, galing sa ibang bansa at maghihiganti na sa mga umapi sa kanya noong bata pa siya]. ---Naging maganda ang samahan ng dalawa hanggang isang araw, hindi na nakatiis si Chupiping kaya:
“Ano ba ako sa’yo Aning. Ano tayo?”
“Ano’ng tayo? Wala naman tayo ah--.”
“Eh ano ba? Ikaw, ako…Aning ayoko na ng biro, dahil matagal ko nang sineryoso ang biruang ‘yun.” Bakas ang determinasyon sa mukha ni Chupiping.
“Bakit ba hindi mo maintindihan? Friendship lang ang kaya kong i-offer sa iyo. Masyadong mabigat ang hinihiling mo, hindi ko keri ‘yan.”
“So, ganun na lang ‘yun? Pano na yung pinagsamahan natin sa “Binalot”? All this time, kaibigan lang pala ako para sa ’yo?” Lumamlam ang mga mata nitong parang natutulog lang.
Nakabibingi ang sumunod na katahimikan.
“Sige, keri lang. Sino nga ba naman ako para mahalin mo?” Bagsak ang balikat, pati ang pag-asa, ay tinalikuran ni Chupiping ang dalaga. [Sabi ni “manager”, kailangan daw mag-isip ni Aning, mga 3 seconds]
--- AFTER 3 SECONDS—
“Sandali! sinabi ko bang ayaw ko, ha? Wala akong sinasabing ganun. Wala talaga.” May pagka-denial ang mga tingin ni Aning.
“A-ang ibig mo bang sabihin, may pag-asa ako? Meron na ba tayo?” Lumiwanag ang mga mata ni Chupiping [pero mukha pa rin itong natutulog lang].
Lalong naningkit ang mga mata ni Aning sa pagkakangiti. “Sige na nga…there’s no harm in trying naman eh…”
At iyon na nga ang naging pundasyon nang mga sumunod na masasayang araw sa kanilang buhay… Isang patunay na kahit gaano kasalimuot ang pagpa-plot ng wires at LED sa bread board eh kapag swak talaga, iilaw at iilaw ito at magiging ON ang value. [Masabi lang na may natutunan ako, hahaha!]
Ngayong araw na ito ay nalaman mo, na ang isang simpleng tanong ng isang teacher sa elementary na “Bakit CHUNING ang pangalan mo?” ay maaaring makabuo ng isang 5 pages na alamat/makapagpatulog sa mga na-kornihan/makapag-bigay aral sa mga nawawalan ng pag-asa/at makapagpasaya sa mga taong walang magawa…
Nagpapasalamat pa rin si CHUNING dahil hindi pa masyadong na-murder ang pangalan niya kagaya ng nangyari sa kaawa-awang kaibigan. Inocencia ang pangalan ng nanay niya at Teodoro naman ang sa kanyang ama [In-apply-an ng katalinuhan sa Additive Axiom of Algebra (na imbento lang ulit ng writer na kamote sa Math) kaya naging INODORO ang pangalan nito.
Nagpapasalamat pa rin siya dahil siya si CHUNING, ang mapalad na bunga ng quotable quote na “THERE IS NO HARM IN TRYING”, at mapalad na supling ng mga puso ni Aning at Chupiping na ibinalot nang wagas na pagmamahalan….
-THE END-