“Ang Alamat ng Tamad” (Warning: Hindi Pambata)

“Sino ang nauna---tamad na estudyante o tamad na teacher?”

Second Sem na naman! Panahon ng bayaran at pakikipagtunggali kung sasama nga ba ako sa fieldtrip? Habang naglalakad ako sa makitid at marupok na tulay na siyang piping saksi sa labing-apat na taon ng aking pag-aaral, bigla kong naitanong sa sarili ko “ Paano nga ba naiba ang buhay kolehiyo?”

Isang kahon ng crayola, malaki, bilog at itim na lapis, isang pad ng papel at limampiso--- yan ang tanging dala ko noong kinder. Pero umuuwi ako ng masaya tuwing may nakatatak na pulang “star” sa likod ng aking palad at isang punong-puno ng aral na kwento mula kay ma’am!

Bag na puno ng luma at inaanay na pampublikong aklat, lapis, ballpen, ilang kwaderno,at labing-limang piso--- yan ang dala ko sa elementarya. Pero umuuwi ako ng masaya tuwing makakapagsagot ako ng problem solving at mananalo ako sa baseball baseball-an game!

Medyo naiba ang highschool, may bahid pulitika na ang pagtakbo sa class officers at SG election. Nagulat din ako nuong panahong hingan ako ni Ma’am ng apat na floorwax [‘yung naka-box] at hingan ako ni Sir ng apat na manila paper para daw mapirmahan ang clearance ko??!! Pero umuuwi pa rin naman ako ng masaya tuwing makakasagot sa biglaang recitation ni Sir at hindi ako napagtinda ni Ma’am sa school canteen!

Ngayong college na ako [sa wakas!] ibang-iba. Para akong magkakaroon ng manic depression dahil sa biglaang pag-shift ng environment. Mas malaki ang eskwelahan, mas maraming estudyante, at halos isa lang sa isang libo ang kakilala mo.

Kung excited kang pumasok tuwing pasukan noong elementary at highschool, SA COLLEGE—tatamarin ka!!! Dahil ang pasukan ay kakambal ng mala-ONLINE GAME na enrolment. By level ito: patibayan ng sikmura [bawal mag-lunch dahil tiyak na masisingitan ka!]; palakasan [pwedeng pisikal kapag nagkakagitgitan na; pwede ring Padrino System]; palinawan ng mata [baka pasimpleng nakikipagkwentuhan ‘yung nasa unahan mo at humahanap lang ng tyempo para sumingit]; at pakapalan ng mukha [kung hindi mo na natiis at sumingit ka na talaga!]. Ang masakit pa nito eh pagdating mo sa kuhanan ng ID picture, mukha ka nang nasalanta ng bagyo! Pero may mas masaklap pa doon at ito ay ang pagpapatibay ng sikmura upang suotin ang ID ng isang taon! [mahirap na baka mahuli ka ni manong guard!]

Sa highschool at elementary, kapag na-late ka pipila ka kasama ng ibang nasiraan ng alarm clock upang magkaroon ng sariling flag ceremony at mamumulot ka pa ng kalat pagkatapos. Mahihiya ka nga namang hindi pumasok ng maaga kinabukasan dahil magmumukha ka nang janitor!

SA COLLEGE---inuugat ka na at puti na pati ang eye balls mo kahihintay pero wala parin ang teacher. 15minutes ang grace period pero ilang ORAS ba ang grace period na nakalaan sa mga teacher para sa kaalaman ng mga estudyanteng manhid na sa paghihintay dahil baka nga naman mag-deklara ng LONG QUIZ si teacher kapag sakaling dumating! [kapag hindi eh di malas!]

Sa kinder matutuwa ka sa iba’t-ibang kwentong pambata, alamat, pabula, parabula, at maikling kwento na ibabahagi ni ma’am, may magagandang drawings pa!

SA COLLEGE--- mauubos ang 21 units na binayaran mo sa iba’t- ibang intriga/litanya/problema/kasaysayan/talambuhay/karanasan/at pakiki-pagsapalaran ni teacher! Para itong isang nakaligtas na kopya ng Mahabharata dahil laging “to be continue..” ang drama. Naubos ang oras ng walang pagkatuto! Halos one hour pa pero biglang puputulin ni teacher ang kwento [kunwari bitin kayo] at sasabihing “ Ay ayan, time na pala! Ok, sige next meeting na lang ‘yung susunod. Puro kasi kayo kwento ayan tuloy di natin matapos-tapos ‘yung Lesson 1. Sige sagutan niyo na lang ‘yung sampung activities na kasunod, may reporting nga pala kayo saka ‘yung project niyo asikasuhin niyo na rin.” Sabay sigaw ng mga classmates mo “Ma’am pagod na kami, huwag na mag-project!” Sasagot naman ang isa ng:“Oo nga ma’am! Fieldtrip nalang!!!”. At ng araw na iyon eh nalaman mo ang Alamat Ng Fieldtrip: ipinanganak ito upang takasan ang ilang bagay na nangangailangan ng tiyaga at sipag! [TRIVIA]

Ang bag ko ngayon eh puno ng mahal na modules at hand-outs na malabo pa sa letrang nakasulat sa tubig. Babayaran mo ito? SYEMPRE! Babasahin mo? MINSAN! Tatapusin ba ito sa klase? HINDI! Meron ngang module na hindi man lang nabasa. Pwede pa sana itong ibenta next year kung hindi lang pinapasa lahat ng activities. Sayang ang papel… sayang ang pera! SAYANG!

Pagdating ng exam: minsan hindi mo na alam kung saan hinugot ang mga tanong. Sa pagitan ng pawisang mukha at nanginginig na kamay, hindi mo na alam kung sino ang dapat sisihin sa mga ganitong sitwasyon! [multiple choice]:

  1. Ang sarili mo dahil hindi ka masyadong nakapag-review dahil sa ginagawang project na ipapasa na mamaya.
  2. Ang teacher mo na nag-te-text sa table niya[ wari nagbabantay] dahil hindi siya masyadong nakapagturo.
  3. Ang module/aklat mo dahil wala naman talaga dito ang sagot sa tanong na nasa harapan mo
  4. Ang kaklase mo dahil masyadong maliit ang sulat niya sa sagot at hindi mo ito Makita
  5. Lahat ng nabanggit

Ang dala kong pera—sitenta! Pero kapos na kapos ito sa pamasaheng patuloy na tumataas, compulsory concert’s ticket, at sandamakmak na membership fees, madalas iniisip mo kung talaga bang nag-eexist ba ‘yung sinalihan/pinasalihan sa’yong organization o sadyang mga kulto sila na may invisibility power at makikita mo lang ulit sila kapag renewal na ng pagiging “piping member mo”.

Noong kinder, elementary at highschool sumasama ako sa fieldtrip para makasama at makipag-bonding sa mga kaibigan ko at makapag-unwind paminsan-minsan. SA COLLEGE--- talagang mapipilitan kang sumama dahil sa umuulang incentives! At parusang project para sa mga hindi papalaring makasama.

Kung inaabangan mo ito, hmmmm…oo naman! May mga panahon namang umuuwi ako ng masaya:

  • iyon ay kung hindi nalimas ang bulsa ko sa dami ng binayaran at may pambili pa ako ng fishball sa terminal ng dyip
  • masaya kung hindi nakolekta ang ID ko at nakaligtas sa nagti-trip na guard na kapag maganda at kakilala eh balewala ang kasing haba ng listahan nang utang namin sa dami ng violations
  • masaya tuwing may klase ako sa iilang teacher na masasabi kong nagtuturo ng dapat ituro at sinusulit ang bawat segundo tulad ng pagsulit nila sa bawat sentimong inilalagay sa ATM CARD nila
  • masaya tuwing nakikita ko sa clascard ko ang bunga ng aking mga pinagsikapan at hindi iyong bigla nalang akong magugulat kung saang planeta ba nagmula yung nakasulat sa maliit na square o kaya naman pala ay baka may naimbento nang bagong formula ang mga teachers para ma-compute ang grades ng mga estudyante sa loob ng 3 seconds! [sana naman ituro nila sa’kin para makapasa ako sa math]

Ngayong pauwi na ako, pagtitiyagaan ko uling daanan ang makitid at marupok na tulay katulad ng pagtitiyaga kong pumasok sa paaralan na hindi batid ang kahihinatnan. Marahil patuloy ko paring kukwestiyonin ang sarili ko kung ano ang kahalagahan ng edukasyon sa paaralan at edukasyon sa totoong buhay? Nang kahalagahan ng pagpasok sa paaralan kung wala namang natututuhan? Nang pagiging masaya sa fieldtrip at pagbabayad ng utang pagkatapos? Nang pagbabayad ng membership fees kahit hindi mo naman makita ang kinahinatnan nito? Kung totoong may QUICK AND EASY WAY TO COMPUTE YOUR STUDENT’s GRADE THEORY ang mga teachers ko? Kung papasok ba sa tamang oras ang teacher ko bukas at magtuturo ng maayos? At kung reading ba ang major ko dahil lagi nalang kaming nagbabasa sa klase?

“Sino ang nauna---tamad na estudyante o tamad na teacher?” Para rin iyang pagtatanong kung ano ang nauna—itlog o manok? Patuloy ang pag-ikot ng tanong…Patuloy ang pagluwa ng tinta…Patuloy ang pagtipa sa mga letra…Patuloy ang mga tanong na walang sagot…at patuloy ang sisihan at turuan ng tamad na estudyante at masipag na teacher, ng masipag na estudyate at tamad na teacher. Kung sino ka man sa kanila may natira pa akong tanong para sa iyo!

“Kelan mo balak putulin ang alamat ng tamad? Naapektuhan ka ba sa binasa mo o pipilitin mo paring alamin ang alamat ng tamad na estudyante, tamad na teacher at bulok na sistema ng edukasyon para makaligtas ka sa pagsagot?”

Kung sawa ka na sa tanong, eh bakit hindi mo kaya subukang hanapin ang sagot?....

4 comments:

annalyn said...

very well said!! luv it!!

aimcroft88 said...
This comment has been removed by the author.
aimcroft88 said...

The Review:
In the structure,I appreciate the humorous "allusionatic" flashbacks,most of the symbolisms used were justly said.
The style was close to Bob Ong's,mocking by the use of realistic examples of student life.
However, in the 'field trip' side, the writer just pointed out the negative side of it, she did not become neutral. I myself will prove that not all student joining field trips is "escaping the things that needs diligence & industry..."

The reaction:
I salute the writer, I admired her courage, honesty & open-mindedness in society's & the world's rotten system.
I hope that she will continue the good work & wouldn't change her principle --- to tell & broadcast the truth to the world like a true & honest journalist. Hoping that it may change even a part of it.
GodBless!

pingping! said...

hahah..nakakatuwa but may bahid tlga nag katotohanan...i agree with what aimcroft said..the style was close to how bob ong write..