Sumasagi ba sa iyong isipan kung ano nga ba talaga ang kahalagahan ng ating watawat? Naipapamahagi mo ba sa iba kung ano ang kasaysayan sa likod ng pagkakalikha sa sarili nating bandila? Isa ka ba sa mga nagbibigay daan upang higit nating malaman ang natatanging kadakilaan ng pakahulugan nito?
Ang pambansang watawat ng Pilipinas ay may isang araw na walo ang sinag, at tatlong bituin, parehong kulay ginto, at nakapatong sa puting tatsulok na equilateral. Sa gawing itaas ng natitirang bahagi ay ang kulay asul at sa ibaba nito ang kulay pula.
Ayon sa Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ng Hunyo 12, 1898, ang puting trianggulo ang natatanging sagisag ng Katipunan na sa pamamagitan ng pagsasanib ng dugo ay nakapanghikayat sa mga Pilipino na sumama sa rebolusyon. Ang tatlo nitong bituin ay kumakatawan sa tatlong heograpikal na grupo ng mga isla sa bansa: Luzon, Visayas, at Mindanao, bagama't sa Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas, ang isa sa tatlong bituin nito ay orihinal na kumatawan sa isla ng Panay, imbes na Visayas. Gayunpaman, kapwa silang nagpapahiwatig ng mismong ideya: ang pagkakaisa ng mga magkakahiwalay na tao at kultura sa iisang nasyon. Ang walong sinag ng araw ay sumasagisag sa walong probinsyang unang nag-alsa sa Kastila: Maynila, Cavite, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Bataan, Laguna, at Batangas. Ang pagbuo ng watawat ay pinangunahang isagawa ni Emilio Aguinaldo. Ito ay unang itinahi sa Hongkong nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at ni Josefina Herbosa de Natividad. (Watawat ng Pilipinas, Wikipedia)
Isang araw ang itinakda--Mayo 28 bilang Pambansang Araw ng Watawat ng Pilipinas. Ang paggunita ay ginanap sa Bulacan State University (BulSU). Alas-sais ng umaga naganap ang pagtitipon ng dadalo, sinundan ito ng pagparada ng watawat ng Pilipinas at watawat na ginamit noong himagsikan patungong Panlalawigang Liwasan ng mga Bayani sa Bulacan sa pangunguna ng ilang mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ng BulSU ROTC.
Ang pag-aalay ng bulaklak sa mga bayani ng Bulacan ay isinagawa sa liwasan, sa saliw ng awiting "Pilipinas Kong Mahal" na itinanghal ng BluSU Symphonic Band kasabay ng pagtatanghal sa watawat ng Pilipinas sa pangunguna nila Gob. Joselito Mendoza, Dr. Mariano de Jesus (kasalukuyang pangulo ng BulSU), mga bokal, at ilan pang mga piling kinatawan sa lokal at pambansang sangay ng pamahalaan. Ang programa ay pinangunahan ng panalanging bayan ni G. Ricardo Capule, katuwang na dekano, Instituto ng Agham Panlipunan at Pilosopiya at sinundan ng pag-awit sa pambansang awit ng Pilipinas "Lupang Hinirang" sa pangunguna ng BulSU Symphonic Band. Dito nagtapos ang unang bahagi ng pagtatanghal ng watawat ng Pilipinas. Sa oras ng pag-aalay ng bulaklak sa mga Bayani ng Bulacan, unti-unti namang bumuhos ang ulan ngunit hindi ito nagbigay-daan upang mahinto ang makasaysayang paggunita.
Dahil sa may kalakasang ulan, ipinagpatuloy na lamang ang ikalawang bahagi ng paggunita sa loob ng Valencia Hall. Dito nagbigay ng mensahe ng pagtanngap si Dr. de Jesus, isinalaysay niya kung ano at saan patungkol ang ating watawat. Higit na tumatak sa isipan ng mga tagapakinig ang sinabi niyang:
"Hindi makakarating ang bukas kung hindi tatanawin ang nakaraan."
Isang mapanuring mensaheng nagpagising sa mga tulog na kaisipan ng mga kabataang naroroon. Ang BulSU Theatre Guild ay nagpamalas ng pagsasadula sa kasaysayan ng watawat ng Pilipinas. Itinanghal nito ang iba’t ibang imahe ng watawat na ginamit sa pakikidigma ng Kataastaasang Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Sinundan naman ito ng isang mensahe ng pagpapahalaga ni Gob.Joselito Mendoza. Higit niyang binigyang pansin ang mga beteranong dumalo sa pagtitipon dahil kung wala sila, wala tayo ngayon, at marahil wala tayong aangkining sagisag at wala rin ang kalayaan. Sinabi ng gobernador na ang lalawigan ng Bulacan ay ang Lalawigan ng mga Bayani, na ang mga Bulakeño ay mga taong hindi marunong makalimot, at ang mga Pilipino ay magaling kumilala, magpakilala at rumespeto, sa Isip, sa Salita, at sa Gawa.
Hindi rito nagtapos ang programa. Bandang Alas-otso ng umaga, magiliw na nag-ambag ang BulSU Lahing Kayumanggi Dance Troupe ng isang katutubong sayaw. Nagbigay naman ng mapagpunyaging mensahe si G. June G. Joson, Pangulo ng SAMPAKA, Inc. patungkol sa determinasyon ng mga Bulakeño sa pagpapahalaga sa kultura ng ating bansa. Ibinahagi niya ang kaisipang "Kung watawat lamang ang pagbabasehan natin, hindi ito makakatindig kung wala ang matikas na kahoy na sumusuporta sa kanya, at ito po ang kanyang mga mamamayan. Ang mga mamamayang Pilipino na may malaking pagpapahalaga at mabuting hangarin sa bayan ay dito natin makikita." Matapos ang natatanging mensahe ni G. Joson sa mga manonood, nagbigay din ng maikling butil ng mensahe si Alex L. Balagtas, na siyang kumatawan sa punong tagapagpaganap ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan (Bulacan-Zambales Cluster) na si Kgg. Ludovico D. Badoy na hindi nakadalo sa pagtitipon.
Ang susunod na bahagi ng paggunita ay pinangunahan nila Gng. Maria Antonia T. Jimenez, Shrine Curator II ng Pambansang Dambana ng Simbahan ng Barasoain, Pambansang Suriang Pangkasaysayan, Dr. Mariano de Jesus, at Vice Mayor Noel Sakay. Samantala nagpaunlak naman ang BulSU Saring Himig Choral ng mga awiting bayan at makabayan, na isa sa mga hinangaan ng mga dumalo sa pagtitipon.
Ang pagsasara ng palatuntunan, ay pinangunahan ni Prop. Agnes DR. Crisostomo, Direktor ng Bahay-Saliksikan ng Bulacan at sinundan naman bilang pangwakas na awitin ang "Mabuhay ka Pilipino" at "Tagumpay Nating Lahat" sa pangunguna ng BulSU Saring Himig Choral.
Ang taunang paggunita sa Bulacan ng Pambansang Araw ng Watawat ay sa pagnanais at inisyatibo ng pinagsamang tanggapan, institusyon, at panlalawigang samahan ng:
- -Bahay-saliksikan ng Bulacan (Center for bulacan Studies)
-Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan
-Pambansang Suriang Pangkasaysayan, Pangkat ng Bulacan at Zambales
-Bulacan State University (BulSU)
-Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan, Inc. (SAMPAKA, Inc.)
-Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Sangay ng Bulacan
Tunay ngang walang kapantay na salita at paliwanag ang kahalagahan, kasaysayan at kadakilaan ng ating pambansang sagisag, ang ating bandila. Mabuhay ka, Pilipino!
---Rica P. Morales---
---Joseph Theodore Jiongco---